Sekyu lasog sa van

MANILA, Philippines - Utas ang isang security guard makaraang mabundol ng isang rumaragasang van habang lulan ng kanyang bisikleta ang una, kamakalawa ng madaling-araw sa Makati City.

Nakilala ang nasawi na si Melecio Icaban, 54, ng Floresca St., Pandacan, Maynila, na nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan nang kaladkarin pa ng Isuzu van (XRY-458) na minamaneho ng suspek na si Randy De Guia, 22, ng Isang Lahi Compound, Sitio Upper Compound, Purok 18, Taytay, Rizal.

Sa inisyal na ulat ng Makati City Traffic Enforcement Unit, sakay ng kanyang bisikleta ang biktima dakong alas-5:30 ng umaga nang huminto pansamantala para bumili ng pagkain sa isang vendor sa gilid ng McKinley Road sa naturang lungsod.

Dito biglang sumulpot ang van na minamaneho ni De Guia at biglang binundol si Icaban na ilang metro pang nakaladkad.  Huli na nang huminto ang suspek at saklolohan ang biktima.

Sa loob ng istasyon ng pulisya, inamin ni De Guia na nakatulog siya sa pagmamaneho kaya hindi niya namalayan na biglang kumabig pakanan ang van.  Dahil dito, nahaharap ngayon ang suspek sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.

 

Show comments