MANILA, Philippines - Patay ang isang Amerikano na base sa inisyal na ulat ay isang diplomat matapos itong pagsasaksakin ng isa sa apat na kalalakihan matapos magtalo kahapon ng umaga sa Makati City.
Base sa nakalap na ulat, kinilala ang biktimang si George Anikow, 41, at nanunuluyan sa #9 Soler St., Brgy. Bel-Air, Makati City. Binawian ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Makati Medical Center (MMC) sanhi ng malalim na saksak sa katawan.
Samantala, pigil ang mga tauhan ng Makati City police sa pagbibigay ng detalye kaugnay sa nasabing kaso. Maging ang pangalan ng apat na sinasabing suspect ay tumanggi rin si Sr. Supt. Manuel M. Lukban Jr., hepe ng Makati City Police na ibigay ang mga pangalan nito.
Nabatid sa isang pulis na hindi nagpabanggit ng pangalan ang mga suspect ay kinilalang sina Crispec dela Paz, 28, estudyante ng De La Salle University; Juan Abastillas, 24; Galicano Datu III, DLSU student at Ospic Caburay, 27.
Naganap ang insidente dakong alas-4:00 ng umaga, malapit sa tinitirhan ng biktima sa Soler St., Brgy. Bel-Air ng nabanggit na lungsod.
Lulan umano ang grupo ng mga suspect sa isang Volvo SUV (TOJ-886) at kasalukuyang kinukuwestiyon ng sekyu sa gate ng Bel Air Subdivision nang biglang sumulpot ang biktima at sumali sa pag-uusap.
Dito ay hinampas umano ng biktima ang sasakyan ng mga suspek hanggang sa nauwi sa mainitang pagtatalo.
Nagsimula sa suntukan hanggang sa bumunot ng patalim ang isa sa mga suspect at inundayan ng saksak ang biktima.
Mabilis na isinugod ang biktima sa nabanggit na pagamutan, subalit binawian ng buhay habang ito ay nilalapatan ng lunas at ang apat na suspek naman na nagtangka pang tumakas ay nadakip ng mga kagawad ng Makati City Police.
Ayon sa ilang imbestigador na tumangging magpabanggit ng pangalan, nabatid na ang biktima ay isang diplomat ng U.S. Embassy, subalit tikom ang bibig ni Sr. Supt. Lukban hinggil dito.
Habang sinusulat ang balitang ito ay patuloy na iniimbestigahan ang nasabing insidente.