Paano kakausapin si Mister?

Dear Dr. Love,

Magandang araw po! Ako po si Angel, 56 na po, may dalawang anak at hiwalay sa asawa. Gusto ko lang po sana humingi ng payo kung paano ko kakausapin ang asawa ko na hiniwalayan ko, mahigit limang taon na.

2017 noong nakipaghiwalay ako dahil natatakot na ako para sa kalagayan namin ng mga anak ko.

Isinauli ko siya sa kanyang nanay na ikinagulat nilang lahat, ng dahil lang sa kaniyang pagdadabog. Hindi ko na hinintay na saktan niya kami ng mga anak ko sa tuwing nakakainom siya.

Simula noon, nangako ako sa sarili ko na bago ako mag-birthday, dapat makalayo na ako sa kaniya. Mahirap dahil wala siyang trabaho at wala rin ako. Kakatapos pa lang ng panganay ko at nakiusap ako na siya muna ang sumalo sa amin. Ngayon, ang bunso ko ay nasa kolehiyo at malapit na rin makatapos.

Gusto ko lang naman siya kausapin at marinig sa kaniya ang salitang “sorry”.

Malalaki na ang mga anak namin at natatakot lang din naman ako para sa kaniya dahil pareho na kaming tumatanda.

Gusto ko lang din naman na maging payapa, matanggal na ‘yung galit at maging okay na ang relasyon namin kahit magkaibigan na lang. Ngunit hindi ko alam kung paano ko siya lalapitan, ako na sana ang gagawa ng paraan para makapag-usap kami.

Paano ko po kaya siya makakausap, Dr. Love? Siguro sapat na ang limang taon, ‘di na natin kailangan na humantong pa kung kailan naghihingalo na, tsaka nagkakahingian ng kapatawaran.

Angel

Dear Angel,

Una, ipasa Diyos mo ang lahat kung ano ang nais niya mangyari sa buhay ninyo. Kung kaya mo nang tanggaping muli ang iyong asawa, siguradong matutuwa iyon. Ngunit depende pa rin sa kanya, kung wala pa siyang kinakasamang iba.

Lumipas man ang matagal na panahon, hindi ‘yun hadlang sa pusong nagnanais na makipagkasundo at maging maayos ang ugnayan. Magsama man kayong muli o hindi, ang mahalaga ay maging malinaw sa inyo na pinatatawad na inyo ang isa’t isa. Pero mas mainam nga naman na magkasama kayong muli para sa iyong mga anak.

Dr. Love

Show comments