Bantay-sarado ang online accounts

Dear Dr. Love,

Tawagin nalang ninyo akong Jann Benito. Bagong kasal lang kami, wala pang isang taon. Nakakainis ang misis ko, laging ginagalaw ang account ko. Lagi niyang inaabangan ang mga post ko. At kung sino ang mga ina-add kong friends.

Ayaw na ayaw niyang nanonood ako ng tiktok. Pati nga instagrams ko tinitingnan n’ya rin. Libangan ko lang naman ang mag-browse online bago matulog sa gabi.

Hindi naman siya dating ganyan. Simu-la nang may nag-chat sa ‘kin na costumer at nag-set ng meeting outside, ang akala niya makikipag-eyeball lang ako.

Hindi niya naisip na kasama sa trabaho ko ang mag-promote ng aming products.

Ang alam niya sa ibang department na ako, kaso minsan nire-request ako ng client to meet up dahil mas gamay ko na ang mga details ng mga discounts.

Hay, kaya pala nawala sa account ko ang isang client kasi  bina-block niya kapag sexy ang naka-post sa account ng friends ko.

Pinag-usapan na namin iyon, pero hindi pa rin siya tumitigil na pakikialaman sa account ko.

Hindi naman sa humahanap ako ng dahilan para mag-away kami, naaapektuhan na ang trabaho, ‘yun ang ayaw ko.

Jann Benito

Dear Jann Benito,

Hindi mo maiaalis sa misis mo na magselos, lalo na kung bago palang kayong mag-asawa. Ayaw ng mga babae ang niloloko sila ng kanilang mister. Isang kabiguan para sa kanila ang ganoong pangyayari.

Kaya hindi mo siya masisisi kung lagi siyang nakabantay sa social media accounts mo.

Mababago lang iyan kung patuloy kang magtatapat at magiging mahinahon sa kanya.

Kung defensive ang dating mo, mas lalo siyang magdududa. Kasama naman sa mag-asawa ang mga ganyang challenges, kaya dapat matiyaga at lagi mong ipapaalala sa kanya na siyang ang nagmamay-ari ng iyong puso.

DR. LOVE

Show comments