Sabay natuto, nagbago

Dear Dr. Love,

Nahihibang daw ako sa bf ko.  Noong una hindi ko matanggap ‘yon. Kasi maayos naman ang lahat, kahit saan ako pumunta at kahit ano ang gawin ko ay walang nagbabawal sa akin. Pero hindi pala lahat ay laging pwede.

Dumating ang sandali na nagkasakit ang tatay sa kidney. Nagagalit ang mga kapatid ko dahil inuuna ko pa raw ang pagdalaw sa bf ko kaysa sa tatay ko.

Isang hapon nang magbantay ako sa ospital kasama ang bf ko. Tuwang-tuwa ang tatay ko dahil nakita niyang mabait ang bf ko. Inasikaso namin siya. Nag-usap nga kami na kami ang mag-alaga kay tatay habang naghihintay pang matanggap sa trabaho ang bf ko.

Ilang linggo ring naka-bed rest si tatay. Pero hindi na rin niya nakayanan ang dialysis, kaya bumigay na rin ang kanyang katawan.

Simula noon, nagbago na kami ng bf ko. Hindi na kami nag-aaksaya ng panahon at ginugugol namin ang aming oras sa aming pamilya.

Mabuti at bago mawala si tatay ay napagsilbihan ko siya ng maayos kasama ang aking bf.

Sana po nagustuhan ninyo ang ibinahagi ko, para na rin ito sa mga kabataang walang panahon sa kanilang magulang.

Maggie

Dear Maggie,

Salamat sa iyong ibinahagi. Sana all… sana lahat ng kabataan ay may pagpapahalaga sa kanilang magulang.

Talagang na-giging problema ng maraming kabataan ang kawalan ng oras sa pamilya. Mas marami pa ang oras na ginugugol nila sa mga bisyo, computer games at barkada.

Mainam na bilang kabataan ay may magsisilbing halimbawa sa kanila.

Sana’y hindi pa mahuli ang lahat para pagsilbihan ng mga kabataan ang kanilang mga magulang o kamag-anak. Ingat lagi at pagpapalain ng Diyos ang mga anak na tulad mo, sabi ‘yan sa bi-bliya.

DR. LOVE

Show comments