White Roses

Dear Dr. Love,

May ilang halaman ako sa aking garden na napakahalaga para sa akin. Mga halaman ng puting rosas na nagsimula lang sa isang pumpon ng mga bulaklak na ibinigay sa akin ng aking asawa nang siya’y nanliligaw pa sa akin.

Sa halip na hayaan kong malanta, itinanim ko ang bawat tangkay sa paso at ang tatlo sa mga ito ay tumubo at sa katagalan ay namulaklak ng maririlag na white roses. Nang ibigay sa akin ng manliligaw ko, na naging asawa ko ang bouquet of roses, sinabi niya na puting roses ang inialay niya tanda ng katapatan ng pag-ibig na iniluluhog niya sa akin. 

Naniwala ako. Sinagot ko siya at ngayon, pitong taon na kaming kasal hanggang sa dumating ang isang trahedya sa aming relasyon bilang mag-asawa.

Nahumaling siya sa ibang babae at iniwan ako at ang aming nag-iisang anak na babae. Sa sama ng loob ko, gusto kong basagin ang lahat ng pasong tinamnan ko ng mga bulaklak na aniya’y simbolo ng kanyang katapatan. Pero nagtimpi ako dahil walang kasalanan ang mga halaman.

After six months, gusto niyang makipagbalikan. Nakakatatlong dalaw na siya sa akin pero nagmatigas ako na ‘di ko siya kayang patawarin. Sa palagay mo Dr. Love, must I give him one more chance?

White Rose

Dear White Rose,

Ang Panginoong Diyos ay palaging nagpapatawad sa atin, gaano man kabigat ang ating kasalanan. Iyan ang mahalagang dapat nating pakatandaan bago tayo magtanim ng galit kanino man.

Hindi unusual ang problema mo. Sa panahon ngayon, maraming kaso ng marital infidelity hindi lamang sa panig ng mga lalaki, kundi pati na sa mga kababaihan.

Sabi nga sa Romans 3:23, lahat ng tao ay nagkakasala at hindi nakaabot sa pamantayan ng Diyos. Subalit sa Romans 6:23, binigyang-diin na bagamat kamatayan ang kabayaran sa ating kasalanan, tayo ay pinapatawad sa pamamagitan ng Panginoong Jesus bilang alay na regalo ng Diyos sa atin na naghahanap ng kanyang kapatawaran.

Kaya dapat din tayong magpatawad sa mga lumalapit sa atin upang hingin ang ating kapatawaran. Oo, bigyan mo ng isa pang tsansa ang iyong asawa dahil lahat naman tayo ay nabubulid sa mga tukso na kung minsan ay hindi natin mapaglabanan.

Dr. Love

 

 

 

Show comments