Doubting Mama

Dear Dr. Love,

Labinglimang taon na kaming kasal ng asawa kong si Martin at 15 years old na rin ang aming kaisa-isang anak na lalaki. Tawagin mo na lang akong Doubting Mama, 40 anyos.

Bago si Martin, may iba akong karelasyon na lingid sa kanyang kaalaman. Pero ang relasyon ko sa lalaking ‘yun ay dahil lamang sa aking kapilyahan noong araw. Nagkaroon din kami ng pagtatalik ng lalaking ‘yun bago ako ikasal kay Martin kaya nagduda ako kung ang ipinagbubuntis ko ay sa aking asawa o sa dati kong karelasyon.

Nang isilang ko ang aming anak, pinawi ko sa aking isipan ang pagdududang ‘yun. Mahal na mahal ni Martin ang bata at isinunod niya sa kanyang pangalan. Pero ngayong nagbibinata na ang aking anak, lumalabas sa kanyang anyo ang itsura ng nakarelasyon kong lalaki.  Pati ang nunal sa kanyang baba ay katulad sa naging ex ko.

Ang tanging pumapawi na lang sa pangamba ko ay limang taon nang patay ang lalaking ‘yun na hinihinala kong ama ng aking anak. Pinagsisisihan ko ang mga pangyayari pero nananatili ang guilty feelings ko. Ano ang dapat kong gawin?

Doubting Mama

Dear Doubting Mama,

Kung minsan, may mga pangyayaring mas makabubuting itago na lang sa halip na makasira ng magandang relasyon. Tutal, pinagsisihan mo na ang nangyaring ‘yun, hayaan mo na lang na manatili ito sa pagitan mo at ng Panginoon.

Tumbasan mo na lang ng higit na pagmamahal ang malaki mong pagkakasala sa iyong asawa.

Dr. Love

Show comments