Masamang bisyo ni Mister

Dear Dr. Love,

Hello po, Dr. Love. Sumulat ako sa inyo dahil sa problema ko sa asawa ko. Tawagin mo na lang akong Ruming, 32-anyos at anim na taon nang kasal sa asawa ko.

Sa unang dalawang taon ng aming pagsasama ay matino siya. Maayos ang trabaho at walang bisyo. Pero kung kailan kami nagkaanak ay doon pa siya nagbago at naging lulong sa alak at sugal.

Nangyari ito ng kami ay lumipat ng tirahan at doo’y naging kabarkada niya ang mga sugarol at lasenggo sa aming lugar.

Ano po ang gagawin ko, Dr. Love?

Ruming

Dear Ruming

Maaaring kailangan na ng professional help ng asawa mo. Pero malaking gastos iyan.

Kung hindi naman kaya ng lukbutan ay lumayo na kayo sa lugar na iyan. Umuupa lang ba kayo o may sariling bahay? Kung umuupa lang ay maghanap ka na ng ibang paupahan. Kung sarili mo na ang bahay ay ibenta mo kahit na mangupahan na lang kayo uli.

Ngunit kung magmamatigas siyang tumutol, sikapin mo pa rin siyang kausaping magbago at kung hindi pa rin umubra, ikonsidera mo na ang marital annulment. Isang matibay na ground ang pagiging lulong sa alak at sugal para mapawalang bisa ang kasal.

Dr. Love

Show comments