Hanggang sa Muli!

Dear Dr. Love,

Share ko lang po itong spoken words ko sa mga klasmeyt kong ga-graduate ng grade ten sa Araullo High School. Ang pamagat, Hanggang sa Muli!

Ilang buwan na lang matatapos na rin ang lahat. Lahat ng saya at tawa, lahat ng projects at assignments.

Pati na rin ang groupings at paper works, wala na rin ang mga sermon ng teacher sa tuwing tayo’y nagkakagulo. Pero kahit ganun, naisip mo ba na ilang buwan ay parang kulang para sa atin. Hindi dahil gusto pa nating maghirap, kundi gusto nating ibalik ang saya.

Natatakot akong mag-umpisa na ‘di ko na kayo kasama. Dahil hindi kaklase o barkada ang tingin ko sa inyo, kundi isang masayang pamilya.

Sana ganun din kayo, mami-miss n’yo kaya ako? Kasi sa totoo lang, mami-miss ko kayo. Sa sampung buwan na nakasama ko kayo, naramdaman ko na may pangalawang pamilya pa pala ako na kasamang tutupad sa mga pangarap ko.

Darating ang araw na isa-isa tayong magpapaalam. Magpapaalam sa saya, lungkot at sermon ng teacher dahil tayo ay papunta na sa panibagong yugto ng ating pangarap. Salamat sa lahat.

Jess D.

Dear Jess D.,

Maraming salamat din sa iyong ibinahaging spoken poetry. Ibang klase talaga ang bunga ng pagsasamahan sa high school. Ito nga raw ang pinakamasayang yugto sa buhay ng isang kabataan. Nawa ang tibay ng inyong pagsasamahan ay manatili hanggang sa pagtanda.

DR. LOVE

Show comments