Mapanlait

Dear Dr. Love,

Dalangin ko po na nasa mabuti kayong kalagayan sa pagtanggap ninyo ng aking sulat. Ako po si Andie, 24-anyos.  May nililigawan ako. Tawagin n’yo na lang siyang Agnes. Hindi ko siya niligawan dahil sa kayamanan. Dr. Love, mahal ko talaga siya.

Ngunit nang simulan ko siyang ligawan, nagbago ang damdamin ko. Mapang-insulto siya at maliit ang tingin sa akin, komo ordinaryong tao lang ako.

Nagsimula kami bilang magkaibigan. Mabait siyang makitungo at nang medyo matagal na, at inaakala kong papasa ako sa kanya, nagsimula na akong manligaw. Dito nalantad ang tunay niyang masamang ugali at pagkatao na naging dahilan para kasuklaman ko siya.

Malaking  kahihiyan ang dinanas ko nang ligawan siya, tahasan niyang sinabi sa harapan ko na hindi kami bagay. Kesyo oportunista raw ako at inabuso ko ang pagpapakita niya ng mabuti sa akin. Dapat daw na humanap ako ng babaeng kaparehas ko ang antas sa buhay.

Alam ng Diyos na tapat ang hangarin ko sa kanya. Mabuti at napigilan ko ang aking sarili.
Gusto ko siyang saktan. Tama po bang kalimutan ko na lang ang nangyari at ibaling sa iba ang ­aking atensyon? Payuhan po ninyo ako.

Andie

Dear Andie

Kahit sino ay masasaktan sa ginawa ng babaeng nililigawan mo. Puwede naman niyang sabihin sa maayos na paraan na maging magkaibigan na lang kayo. Pasalamat ka at hindi mo siya nakatuluyan, kung hindi, baka lalo ka niyang aba-abahin kapag mag-asawa na kayo. Ngunit hindi naman lahat ng taong may mataas na estado sa buhay ay katulad niya. Minalas ka lang na magtapat sa mapang-aba.

Hindi sukatan sa pag-ibig ang antas ng pamumuhay at iba pang batayang karaniwang binibigyang pansin ng iba sa pagpili ng kasintahan.

Kaya sabi nga, charge it to experience. Hindi masamang magmahal ng may kaya sa buhay, pero suriin mo muna ang ugali ng kahit sinong balak mong ligawan.

Dr. Love

Show comments