Ayaw tumandang dalaga

Dear Dr. Love,

Kumusta ka? Tawagin mo na lang akong Lorenza, 30 anyos at nagtatrabaho bilang restaurant manager.

Buhay pa ang mga parents ko pero pareho silang may kapansanan at ako ang sumusustento sa kanila pati na sa dalawa ko pang nakababatang kapatid na nag-aaral pa.

May boyfriend ako at niyayaya na akong pa­kasal. Pero  tuwing babanggitin ko ito sa aking mga magulang ay naiiyak sila. Paano na raw sila pati na ang schooling ng aking mga kapatid?

May tatlong taon na po ang relasyon namin ng kasintahan ko at ang sabi niya, kung hindi pa ako papayag magpakasal ay hahanap na lang siya ng iba? Nasa 45 anyos na kasi siya at ako naman ay nasa early stage na ng aking pagiging matandang dalaga. Ayaw ko pong tumanda nang hindi nagkakapamilya,.

Sabi niya, baka hindi na raw ako magka-anak kung pagtatagalin pa namin ang aming kasal. Ano po ang gagawin ko?

Lorenza,

Dear Lorenza,

Ano ba trabaho ng boyfriend mo? Kung papayag siya, bakit hindi ninyo kupkupin ang inyong mga magulang pati na ang pag-aaral ng iyong mga kapatid?

Medyo mabigat na kondisyon pero talagang mayroon kang moral obligation na maaari mo namang bitiwan pero magbibigay sa iyo ng guilty conscience.

Mapag-uusapan ninyo marahil iyan. Ang suweldo mo ay para sa iyong pamilya at ang kita ng iyong magi­ging mister ay para sa inyong pamil­ya. Iyon lamang ang nakikita kong paraan.

Kung mahal ka ng nobyo mo, marahil naman ay papayag siya. Mag-usap kayo.

Dr. Love

Show comments