In-love kay Ma’am

Dear Dr. Love,

Bago lang ako sa pinapasukan kong publishing house. Dun ko nakilala si Thea. Nasa parehong department kami. Kung tutuusin ay ma’am ko siya dahil mas mataas ang posisyon niya sa akin.

Hindi siya kagandahan pero masarap siyang katrabaho dahil hindi maarte at sobrang dedicated. Nang magkapalagayan kami ng loob, madalas na kaming magkayayaan na sabay kumain o kaya’y umuwi. “Tayo na!” ang bukambibig namin kapag niyaya na ang isa’t isa.

Kapag hindi na ako gaanong busy, tinitimplahan ko siya ng matapang pero sweet na kape. Ikinakatuwa niya ito dahil sweet daw ako. Ang hindi ko maamin kay Thea ay in-love na ako sa kanya, sinisikap ko lang na hindi niya mahalata.

Pero nao-obvious na pala ako sa office. Kaya kapag inaaya ko tuloy siya ay pasikreto na lang. Ibinubulong ko na lang sa kanya ang aming magic word, “tayo na!”

Isang beses sinabihan ko si Thea kung pwedeng “kami na.” Ang sagot niya, “tayo na.” Ang akala ko talagang kami na, kaya tuwang –tuwa ako. Pero joke lang pala. Ayaw niyang pumasok sa relationship. Wala raw siyang panahon at may pinapaaral pang kapatid. Ayaw na rin niyang maulit na iwanan ng boyfriend.

Masakit sa kalooban ko. Parang gusto ko nang magresign at humanap na lang ng ibang publi­shing house para tuluyang maiwasan ko siya. Kasi talagang mahal ko na siya.  Sayang, Dr. Love pero umaasa pa rin akong magbabago ang isip niya. Pagpayuhan po ninyo ako.

Maraming salamat po.

Chito

 

Dear Chito,

Huwag ka munang mawalan ng pag-asa. Sa palagay ko hindi pa ganon katagal ang pagkakakilala ninyo sa isa’t isa ni Thea. Kung wala pa siyang interes na pumasok sa commitment ngayon, pwede naman na maging close friends kayo. Anong malay mo, bukas makalawa ay ma-develop na rin siya sa’yo. Huwag mo i-give up ang trabaho mo. Madalas may proseso bago natin makuha ang hangad natin sa buhay. Tandaan mo na ang lahat ng bagay ay may tamang panahon. Malay mo isang umaga, si Thea na ang magsasabing, “tayo na talaga.”

Dr. Love

Show comments