Fling Lang?

Dear Dr. Love,

Hello po, Dr. Love! I wrote you upang humi­ngi ng payo sa aking problema dahil alam kong mabibigyan mo ito ng solusyon.

Ako po ay may kasintahan at tawagin n’yo na lang siyang Michael. Ako naman ay itago n’yo na lang sa pangalang Myla, 25 years old. Ilang araw ko na siyang boyfriend nang humingi siya ng halik.

Para patunayan na mahal ko siya, pinagbigyan ko siya. Pero isang kaibigan ko ang nagsabi sa akin na sinabi raw ni Michael na nahalikan niya ako at bigay na bigay daw ako.

Lihim ang relasyon namin dahil ayaw ng mga magulang ko sa kanya. Mayroon kasi siyang pinatulan noon na may asawa at anak na, pero hiwalay ‘yung babae sa asawa niya. Hiwalay na rin sila ngayon ni Michael. Ang sabi sa akin ng mga magulang ko ay baka bumalik ‘yung babae at iwan ako ni Michael para muling sumama rito. Fling lang daw ako.

Pero ang sabi sa akin ni Michael ay mahal niya ako at mahal na mahal ko rin siya. Ang sa akin lang ay bakit kailangan pa niyang sabihin sa iba ang mga ginagawa niya. Hindi ko siya kayang layuan. Sana ay matulungan ninyo ako.

Gumagalang,

Myla

Dear Myla,

Hindi ako boto sa ganyang lalaki na ipinagyayabang ang ginawa sa kasintahan. Daig pa niya ang babae na sobrang daldal. Nakakahiya nga ang ginagawa niya.

Bakit hindi mo siya tanungin ukol dito? Sabagay, kung nagawa niyang pumatol sa isang babaeng may asawa, baka ang inaasahan niya ay gawin ninyo ang kanilang ginagawa before.

May katwiran ang iyong mga magulang na tutulan ang inyong relasyon. Baka kasi kapag hindi ka pumayag sa mga gusto niya ay iwan ka na lamang niya at sukat na humanap ng iba na makapagpapaligaya sa kanya. Layuan mo na siya at humanap ka ng isang lalaking tunay na gentleman at igagalang ka.

Dr. Love

Show comments