Unang pag-ibig

Dear Dr. Love,

Ipinaaabot ko sa inyo at sa bawat nagbabasa ng malaganap ninyong pahayagan ang aking pagbati ng Merry Christmas in advance. Ako po si Nerisa, 24 anyos ngayon at empleyada sa isang departamento ng pamahalaan.

Nahikayat akong magpadala ng sulat sa inyo dahil alam kong mabibigyan ninyo ako ng mahalagang payo sa problema ko sa pag-ibig. Tungkol ito sa una kong pag-ibig na hanggang ngayon ay hindi ko pa nalilimutan. I never entertained any other suitors simula nang magdalaga ako maliban sa kanya. Anim na buwan bago mag-graduation, dumalo ako sa kasal ng aking kaibigan dahil isa ako sa naging bridesmaid. Dito ko muling nakatagpo ang aking kaklase noong high school. Siya ang aking first love.        

Matapos ang graduation ko sa college, sinagot ko na ang kamag-aral kong ito. Masaya kami at ipinakilala pa niya ako sa pamilya niya.

 Ngunit maling akala pala ang pagkakakilala ko sa kanya. Ipinagpalit niya ako sa iba nang lumuwas siya ng Maynila para magtrabaho dahil naiwan ako sa probinsiya.

Nakipagkalas ako sa kanya kahit napakasakit sa dibdib ko ang nangyari. Gusto ko sana siyang malimutan pero lagi ko siyang naiisip. Natatakot po akong humanap ng iba dahil ayaw ko nang dumanas muli ng pagkabigo.

Ano ang dapat kong gawin?

Nerisa


Dear Nerisa,

Para sa akin, mas mabuti ngang hanggang maaga ay nakilala mo ang tunay na kulay ng iyong first love.  Mas mahirap kung kailan kayo kasal ay saka pa siya magluluko.

Harapin mo ang katotohanang hindi kayo  para sa isa’t isa ng  first love mo. Malay mo, sinadya ito ng Panginoon dahil mahal ka niya at hindi niya nais na magkaroon ka ng sama ng loob kung mag-asawa ka na.

Huwag mo ring ibunton sa iba ang masamang karanasan mo sa unang pag-ibig. Makikita mo, sa sandaling makilala mo ang tunay na magmamahal sa iyo, tatawanan mo lang ang pangyayaring minahal mo ang isang lalaking hindi nagpapahalaga sa iyo.

Dr. Love

Show comments