Tunay na Mommy

Dear Dr. Love,

Alam kong darating din ang araw na mawawala sa amin ang aking pamangking si Derek, na inaruga naming mag-asawa mula sa unang araw ng pagkasilang niya. Pero hindi ko akalain na mangyayari ito, sa mas nalalapit na panahon.

Pitong taong gulang si Derek nang sabihin ko sa kanya na may isa pa siyang nanay sa probinsiya. At nang minsang bumisita kami ay kitang-kita ko ang lukso ng dugo sa mag-ina at sa kanyang mga kapatid.

Panglabing-dalawa si Derek sa mga anak ng kapatid ko. Halos isang taon lang ang sinundan niya. Umiiyak man ang kapatid ko nang ibigay sa akin ang kasisilang pa lang niyang sanggol, minabuti na niyang sa akin lumaki ang bata para sa kinabukasan nito. Dahil iisa lang ang anak ko at gusto naming mag-asawa na magkaanak ng lalaki, kaya pumayag kaming ampunin si Derek.

Naging palaisipan kay Derek na dalawa ang ina niya. Dahil ang sabi raw ng mga kaklase niya, isa lang dapat ang nanay. Kaya napilitan po akong ipagtapat sa kanya, na ang tunay niyang ina ay ang nasa probinsiya. Nagalit po siya dahil ipinamigay siya.

Pero sa huli ay gusto na ni Derek na manatili na lang sa kanyang tunay na pamilya. Hindi ko po mapigilang umiyak nang dumating ang araw na susunduin na siya ng tunay niyang ama.

Ang sabi ko kay Derek na kapag gusto niyang magbakasyon kay mama, sabihan niya lang ako at susunduin ko siya agad.

Dr. Love, tama po ba ang naging pasya na­ming mag-asawa? Mahal ko po ang bata at ayaw kong ipagkait sa kanya ang pagmamahal ng tunay niyang mga magulang.

Maraming salamat po at more power to you, Dr. Love.

Gumagalang,

Ditty

Dear Ditty,

Napakadakila ng pagmamahal mo para sa iyong pamangkin. Mabuti ka ring kapatid. Ang ginawa ninyong mag-asawa ang pinakamabuting gawin. At hinahangaan ko kayo sa bagay na ‘yan. Huwag kang mabahala, dahil natitiyak ko na kahit hindi ikaw ang nagluwal sa iyong pamangkin, hindi niya malilimutan ang pagmamahal na itinanim ninyong mag-asawa sa kanya.

DR. LOVE 

Show comments