Maging matalino

Dear Dr. Love,

Masaganang bagong taon sa iyo, Dr. Love.  Sana’y nasa mabuti kang kalagayan sa pagsayad ng aking sulat sa iyong mga palad.

Kung puwede’y itago mo na lang ang tunay kong pagkatao at tawagin mo na lang akong Dolores, 27-anyos.

Sa wikang kastila ay malungkot ang kahulugan ng Dolores. At maging sa aking buhay-pag-ibig ay talagang lipos ng kalungkutan at luha. Lagi po akong sawi sa ngalan ng pag-ibig kaya takot na akong makipagrelasyon.

Sa huli kong naging kasintahan ay nagkaroon ako ng baby na ngayo’y limang taong gulang na. 

Para maitaguyod ang anak ko ay nag-apply ako ng trabaho bilang factory worker sa Taiwan.

Dito ko nakilala si Jimmy. Nag-aalangan akong sagutin siya bagamat nararamdaman kong umiibig ako sa kanya.

Ano ang dapat kong gawin?

Dolores

 

 

Dear Dolores,

Hindi mo naikuwento ang masaklap mong karanasan sa iba mong naging kasintahan. Marahil nga ay napakatindi ang karanasan mo sa kanila kaya takot ka nang umibig ngayon.

Ang payo ko’y pag-aralan mo ang background at pag-uugali ng manliligaw mo nang sa gayo’y matantiya mo kung magiging mabuti siyang kasintahan at asawa in the future. Huwag mo ring agad isusuko ang iyong pagkababae para igalang ka ng lalaki.

Huwag mong ipipinid ang pintuan ng puso mo sa pag-ibig. Bagkus, maging matalino ka na sa susunod mong pakikipagrelasyon. Ipagtapat mo rin sa magiging kasintahan mo ang mga karanasan mo at kung sa kabila ng lahat ay iibigin ka pa rin niya, ibig sabihin nun ay mahal ka niya talaga.

May maganda ka pang kinabukasang naghihintay.

Dr. Love

Show comments