Marcoleta, Defensor arestado sa plunder

Senators Rodante Marcoleta address the media during a press conference held at the Senate in Pasay City on January 20, 2026.
STAR / Ryan Baldemor

MANILA, Philippines — Inaresto kahapon si Sen. Rodante Marcoleta matapos siyang magpunta sa Sandiganbayan para harapin ang non-bailable plunder case kaugnay ng umano’y hindi pagdeklara ng P75 milyon campaign donations.

Inutusan ng Sandiganbayan Third Division ang pag-aresto kay Marcoleta, dating congressman Mike Defensor, at mga negosyanteng sina Aristotle Viray at Joseph Espiritu.

Maagang nagtungo si Marcoleta sa Sandiganbayan para sa kanyang motion to suspend proceedings at hiling na ipagpaliban ang pag-isyu ng warrant. Ngunit nang ibasura ng korte ang mosyon, agad siyang inaresto, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.

“Was he arrested or did he surrender? It was both,” ani Remulla.

“Ako ay hindi magtatago. Haharapin ko ang batas, ang asunto, sang-ayon sa pagkakaintindi ko sa ating mga batas,” pahayag ni Marcoleta.

Dagdag pa ng kanyang abogado na si Patrick Velez, ang pagsuko ng senador ay “act of good faith.”

Gayunman, sinabi ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director PMGen Robert Morico II na dumaing si Marcoleta ng pananakit ng dibdib at tumaas ang blood pressure kaya kinailangan na dalhin sa PNP-General Hospital. Posibleng abutin pa ng dalawang araw ang pananatili ni Marcoleta sa ospital. Nakadepende rin sa sasabihin ng mga doctor kung maaari nang dalhin si Marcoleta sa Sandiganbayan. Ni­linaw din ng opisyal na wala pang commitment order na inilalabas ang korte.

Samantala, sina Defensor at Espiritu ay nahuli naman sa isang café sa Quezon City. Dinala sila sa Sandiganbayan bago isinailalim sa pro­seso at medical ­clearance. Ikukulong sina Defensor at ­Espiritu sa Payatas jail sa ­Quezon City kung saan ikukulong din si Marcoleta. Doon din nakakulong sina Sen. Jinggoy Estrada at ­dating Senador Ramon Revilla Jr. dahil naman sa anomalya sa flood control projects.

Show comments