Bong Go: HEA ng health workers, i-release na

MANILA, Philippines — Muling hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go sa pagdinig ng Senate committee on health ang Department of Health (DOH) at ang Department of Budget and Management (DBM) na pabilisin ang paglalabas ng matagal nang nakabinbin na Health Emergency Allowance (HEA) ng health workers sa bansa.

Ipinahayag ni Mary Jane Asela ang sama-samang pagkadismaya ng mga barangay health worker sa Palawan dahil hindi pa natatanggap ang kanilang HEA.

Binigyang-diin naman ni Irenea Acosta, pangulo ng Zamboanga del Norte chapter ng Philippine League of Government and Private Midwives Inc., ang patuloy na pakikibaka ng mga midwife para lang matanggap ang kanilang HEA para sa mga taong 2021, 2022, at 2023.

Bilang tugon, tiniyak ni Go sa mga health worker ang kanyang pangako na itataguyod ang kanilang hinaing.

Ayon kay Go, napakahalaga ng ginampanang papel ng health workers lalo noong pandemya at iginiit niya ang kawalang katarungan para sa mga ito dahil hindi pa nababayaran ang kanila sanang mga allowance.

“Pinagpawisan nila, hindi pa nababayaran until now... since 2021. Services rendered na po ito. Pinaghirapan ito ng mga health workers natin. Wala na po silang ibang matakbuhan. Nananawagan sila, kahit saan po kami pumunta... sinisigaw, ‘Health Emergency Allowance’,” sabi ni Go.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si DOH Secretary Teodoro Herbosa Jr. sa mahalagang kontribusyon ng health worker, partikular sa paglaban sa mga hamon na dulot ng pandemya ng COVID-19.

Nilinaw ni Herbosa na ang nakabinbing disbursement ay naghihintay ng Notice of Cash Allocation, na magpapasimula ng funds transfer sa kani-kanilang Community Health Departments (CHDs) para sa pamamahagi.

Binigyang-diin ang kritikal na papel ng mga medical frontliners, hiniling ni Go sa mga kinauukulang opisyal sa DOH at DBM na pabilisin ang pagpapalabas ng HEA upang matugunan ang agarang pangangailangan ng health workers.

Show comments