100 bangka maglalayag sa West Philippine Sea

MANILA, Philippines — Aabot sa 100 bangka ang nakatakdang sumabak sa ‘regatta of solidarity’ o sama-samang paglalayag sa ikalawang pagkakataon sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS) sa Mayo 15.

Sinabi ni Atin Ito Coalition co-convenor at Akbayan president Rafaela David, pinaplano nilang maglagay ng mga markers o boya sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.

Aniya, ang nasabing ‘solidarity regatta’ ay masisilbing nagkakaisang sigaw na ang WPS ay pag-aari ng Pilipinas at dapat mapanatili ang integridad ng teritoryo ng bansa.

Kasama sa lalahok ang dalawang pangunahing bangka ng mga sibilyan na lalahukan ng 10 maliliit na bangka na sama-samang maglalayag mula Zambales.

Nakatakda ring mamahagi ang grupo ng mga supplies tulad ng langis sa mga mangingisdang Pinoy na naapektuhan ang kabuhayan bunga ng pangha-harass ng China.

Bukod sa EEZ ng bansa sa Palawan, ang Bajo de Masinloc na nasa 124 nautical miles mula sa Zambales ay kabilang sa inaagaw na mga isla ng China sa Pilipinas kung saan itinataboy palayo ang mga mangingisda dito.

Ang grupo ay una nang nagsagawa ng civilian led mission sa WPS noong Disyembre 2023.

Show comments