MANILA, Philippines — Ipina-contempt ng Senate Committee on Justice si France Ruiz, ang among babae ng kasambahay na si Elvie Vergara na minaltrato sa Mamburao, Occidental Mindoro.
Ito ay matapos aprubahan ng komite ang mosyon ni Sen. Jinggoy Estrada na ipa-contempt na si Ruiz dahil sa patuloy nitong pagsisinungaling sa mga katanungan ng mga senador.
Sa gitna ng imbestigasyon ay patuloy na nanindigan si Ginang Ruiz na ang mga sugat na tinamo ni Nanay Elvie ay mula umano sa pakikipag-away nito sa mga kasamahan sa trabaho na mariin namang itinatanggi ng mga dating kasama at direktang itinuturo ang babaeng amo sa pananakit sa kasambahay.
Sa unang mosyon ni Estrada, nais nitong ipakulong sa Pasay city jail si Ginang Ruiz subalit kalaunan ay binawi rin ito at sinabing sa senate premises na lang ikulong ang babaeng amo.
Samantala, isinailalim sa polygraph test o lie detector test ang mag-asawang Ruiz gayundin ang tatlong testigo na sumusuporta sa testimonya ni Nanay Elvie.
Ang lalabas na resulta ng polygraph test ay magiging bahagi ng lalamanin ng kanilang committee report.