Grab, nagpaalala sa refund ng mga pasahero

MANILA, Philippines — Ginawa na ng Grab Philippines ang mga kina­kailangang hakbang upang agad na makatupad sa di­rektiba ng Philippine Competition Commission (PCC) na ipabatid sa mga pasahero na hindi pa naka­kakuha ng refund na maaaring makolekta sa iba’t ibang pa­raan.

“Kung isa ka sa mga users na ito, ang rebate mo ay puwede mo nang makuha sa GrabRewards catalogue ng inyong app,” laman ng pahayag ng kompanya noong Biyernes, na naglalaman din ng mga panuntunan kung saan makikita ang refund.

Ayon sa Grab, may mga pasahero ito na hindi pa nakakakuha ng tatlong taong mga rebate voucher na aprubado ng PCC.

Ang mga paalala ay ipinadala rin sa mga user sa pamamagitan ng mga in-app notification, e-mail, at SMS, at ipinost din ito sa mga social media platform ng Grab at inilathala sa mga pahayagan.

Pinaalalahanan din ang mga benepisyaryo ng refund na mapapaso sa Hul. 18, 2023 ang kanilang mga rebate at mapupunta sa Philippine National Treasury ang mga hindi nakuhang halaga, batay na rin sa isang resoluyon ng PCC noong Peb. 2, 2023.

Noong Lunes pa lang matapos ma-post ang reso­lusyon ng PCC sa website ng komisyon noong Mayo 15, sinabi ni Grab Philippines Director for Public Affairs Atty. Sherielysse Bonifacio na pagdating ng Mayo 19 ay handa na sila na ipatupad ang direktiba kaugnay ng pagsasauli sa mga kuwalipikadong Grab user ng natitirang P6.66 milyon.

Show comments