Agarang pagpapasara ng POGOs, ‘unreasonable’ sa investors – Angara

MANILA, Philippines — Maituturing na “un­reasonable” sa mga investors at hindi sapat ang tatlong buwang phase out peroid na rekomen­dasyon ng Senate Committee report para sa agarang pagpapasara ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Matatandaan na sa report ng Senate Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Sen. Sherwin Gatcha­lian, inirekomenda niya ang agarang pagpasa ng isang resolusyon na humihikayat sa Executive Department na ipahinto na ang operasyon ng POGO.

Subalit hindi naniniwala si Sen. Sonny Angara na sapat ang tatlong buwan para mapatigil na ang operasyon ng mga POGO sa Pilipinas, lalo na para sa mga malaki na ang puhunan dito.

Paliwanag ni Angara, kailangan at mas ­reasonable ang pagbibigay ng mas mahabang panahon para mapaalis ang mga POGO lalo na at ang pamahalaan rin naman ang nag-imbita na mamuhunan sila dito.

Dapat rin umanong magkaroon ng mas mahabang phase out period para sa mga lehitimong POGO operator na nagbabayad ng buwis at employee benefits at naglagak na ng malaking puhunan.

Sinang-ayunan ni Angara ang naunang sinabi ni Senate Deputy Majo­rity Leader Joseph Victor “JV” Ejercito ang dalawa hanggang tatlong phase out period para sa mga POGO para hindi naman ma-turn off ang mga potensiyal na mamumuhan sa bansa.

Inamin sa committee report, na kulang pa sa lagda ng mga senador para maisumite sa plenaryo ng Senado, na ang Pilipinas ay pinaka-atraktibong opsyon para sa offshore gaming.

Binanggit pa sa report ang 2018 study bagama’t mas mura ang real estate ng Myanmar, Laos at Cambodia, wala naman silang mga magagarang mall, hotel at onsite casino hindi tulad ng Pilipinas. Ang mga ito aniya’y dagdag atraksyon sa mga mayayamang turista.

Show comments