90% benepisyaryo ng 4Ps, mahirap pa rin - COA

Individuals line up to receive cash aid from the national government during enhanced community quarantine at a basketball court in Manila on August 11, 2021.
AFP / Ted Aljibe, File

MANILA, Philippines — Sa kabila na 7 hanggang 13 taon nang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), 90 porsiyento ng mga tumatanggap ng cash grant na ito ang nanatiling mahirap pa rin.

Ito ang inihayag ng Commission on Audit (COA) base sa Performance Audit Report (PAR) na “Follow-Up on the Performance Audit on the Pantawid Pamilyang Pilipino Program.”

Ang nasabing ­reyalidad ay sa kabila ng pagpapalabas ng DSWD ng bilyong pondo sa 4Ps kada taon para tulungan ang mga pamilyang naghihikahos o yaong natukoy na nasa ilalim ng poverty line.

Ayon sa COA, kahit tumatanggap ng payouts sa mahabang taon ay nanatili pa rin sa kahirapan ang 90% ng mga benepisyaryo ng 4Ps o yaong umasa lamang sa biyaya at hindi naghanap ng iba pang mapagkakakitaan tulad ng munting negosyo na maaring mapalago para paggamitan ng pera.

Sa performance audit ng COA sa nasabing programa, sinabi rito na nasa 3,820,012 ng 4,262,439 aktibong 4Ps benefi­ciaries mula 7-13 taon ay tumanggap ng P537.39 bilyong cash grants hanggang nitong Hunyo 30, 2021.

Ang report ng COA ay taliwas naman sa DSWD na iniulat nitong Hulyo na nasa 1.3M pamilya na benepisyaryo sa 4Ps ang tatanggalin na sa listahan dahilan hindi na sila ikinokonsiderang mahirap.

Dahil dito ayon pa sa COA, ay tinatayang nasa 2.6 milyong estudyante na nabebenipisyuhan sa 4Ps ay hindi na makukumpleto o matatapos ang kanilang pag-aaral dahil ang programa ay limitado na lamang sa pitong taon.

“This is crucial because the last two years of school under senior high school are designed to equip the students with skills that will increase their chances of landing a job,” anang COA.

Kaugnay nito, nakatakda namang irebisa ni DSWD Secretary Erwin Tulfo ang 4Ps Law.

Sa ilalim ng 4Ps Act (Republic Act No. 11310) limitado na lamang sa 7 taon ang pagbibigay ng benepisyo sa ilalim ng programa at papalitan na ang mga ito ng ibang benepisyaryo.

“With the 4Ps Act already in place, by Calendar Year 2026 almost all active beneficiaries will be delisted from the program, hence the Listahanan and the IT systems need to be updated and ensure controls are working effectively to cater to the new beneficiaries,” ayon pa sa COA.

Show comments