MANILA, Philippines — Ang panganay na anak ni Queen Elizabeth II na si Prince Charles ang bagong hari ng Britanya, na tatawaging King Charles III.
Si King Charles, 73, ang magsisilbing head of state at pangungunahan ang 14 teritoryo ng Britain. Ang asawa niyang si Camilla ang magiging Queen Consort.
Sa isang pahayag, sinabi ni King Charles III na pinakamalungkot na yugto ng kaniyang buhay ang pagpanaw ng kaniyang inang si Elizabeth II.
“We mourn profundly the passing of a cherished Sovereign and a much-loved mother. I know her loss will be deeply felt throughout the country, the Realms and the Commonwealth, and by countless people around the world,” ani King Charles III.
Ipinanganak si King Charles III noong 1948 at opisyal na naging tagapagmana ng trono sa edad na 3-anyos.
Edad 20-anyos si King Charles III nang kilalaning Prince of Wales.
Bilang bahagi ng tradisyon ng pamilya, sumailalim si King Charles III sa military training sa loob ng limang taon.
Pinakasalan niya si Lady Diana Spencer, at nagkaroon ng dalawang anak na sina Prince William at Prince Harry.
Naghiwalay sila kalaunan, at pumanaw si Diana isang taon matapos ang kanilang diborsyo.
Kikilalanin namang Duke of Cornwall si Prince William, na susunod na tagapagmana ng trono. Ang asawa niyang si Kate ay kikilalaning Duchess of Cornwall.
Matatandaan namang tinalikuran na ni Prince Harry ang pagiging royalty matapos pakasalan ang aktres na si Meghan Markle.
Inaasahan na opisyal na ipoproklama si Charles bilang Hari, sa araw ng Sabado.
Isasagawa ito sa St. James Palace sa London sa harapan ng ceremonial body na kilala bilang Accession Council.