Bilang ng Pinoy na nagpapabakuna, tumaas
Pagkatapos ng eleksiyon
MANILA, Philippines — Tumaas ang bilang ng mga Pilipino na nagpapabakuna makaraan ang halalan nitong Mayo 9 dahil umano sa posibleng pangamba sa nagsusulputan na iba’t ibang subvariants ng COVID-10 Omicron, ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi rin ng DOH na maaaring dulot din ito na hindi na abala at okupado ang mga tao sa kampanya at halalan maging sa pinataas na ‘information campaign’ umano ng kagawaran.
Ayon kay DOH Undersecretary and National Vaccination Operations Center (NVOC) head Myrna Cabotaje, ang average na arawang dosage ng naituturok na bakuna ay nasa 200,000 na mula nang magtapos ang eleksyon. Bago ang halalan, mas mababa pa sa 100,000 umano ang kanilang average.
Nitong Mayo 26, nasa 69.1 milyong Pilipino na ang nakakumpleto ng kanilang bakuna habang target na maiakyat pa ito sa 77 milyon sa pagsapit ng Hunyo 30 sa pagpapalakas rin ng bakunahan sa mga batang nasa edad 5 - 11 taong gulang.
Nananatiling hamon naman ang pagbibigay ng booster shot sa populasyon sa kabila ng pag-uumpisa na sa bakunahan sa ikalawang booster shot.
Para sa ikalawang booster, nasa 171,000 indibidwal na ang nabigyan nito makaraang umabot sa 83,000 senior citizens at 36,000 frontline healthcare workers ang nagpabakuna.
- Latest