Duterte nanguna sa National Vaccination Days
MANILA, Philippines — Pinangunahan kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglulunsad ng National Vaccination Days: Bayanihan, Bakunahan 2021 sa Antipolo City, Rizal.
Personal na dumalo ang pangulo sa seremonya na ginanap sa SM City Masinag, kasama ang ilan pang opisyal ng gobyerno.
“It is very important for us to take a whole-of-nation approach to win against coronavirus that has sorely plagued our country for almost two years,” pahayag ng Pangulo.
Target ng vaccination drive na mabakunahan ang nasa siyam na milyong Pilipino sa loob ng tatlong araw at makumpleto ang bakuna ng nasa 54 milyong Pinoy bago matapos ang taon.
“This is our single biggest push to fast-track vaccination and reach our target of 70 percent population protection nationwide,” wika niya.
Sinabi rin ni Duterte na layunin ng gobyerno na mabakunahan ang 80 porsiyento ng populasyon ng mga edad 12 hanggang 17 taong gulang at makumpleto ang booster shots ng mga nasa A1, A2 at A4 sectors.
Muling nanawagan ang Pangulo sa mga Filipino na magpabakuna at ipagpatuloy ang pagsunod sa mga health protocols para malabanan ang COVID-19.
Tiwala si Duterte na malalampasan ng mga Filipino ang pandemya sa awa ng Diyos at totoong malasakit ng mga mamamayan sa isa’t isa.
- Latest