P1 bilyong fuel subsidy sa PUV drivers aprub na

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra III, ang fuel subsidy ay alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law (TRAIN Law).
Geremy S. Pintolo, file

MANILA, Philippines — Inaprubahan na ng gobyerno ang pagpapalabas ng P1 bilyon fuel subsidy para sa mga driver ng mga pampublikong sasak­yan.

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra III, ang fuel subsidy ay alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law (TRAIN Law).

“Mayroon pong ina­pruba na pagri-release ng pondo na 1 billion pesos for the fuel subsidy – this is pur­suant to the TRAIN Law kung saan mayroon pong probisyon doon na mabibigyang-ayuda by way of a fuel subsidy grant para doon sa PUJ – legitimate, qualified, franchise holders at sa mga tsuper,” ani Delgra sa Laging Handa online press briefing.

Tiniyak ni Delgra na nakahanda na ang LTFRB sa pamamahagi ng pondo na padadaanin ng Department of Budget and Management (DBM) sa Department of Transportation (DOTr).

Nakipagkoordinas­yon na rin aniya ang LTFRB sa Landbank para magamit muli ang Pantawid Pasda Cards na ginamit noong 2018 at 2019.

Ang fuel subsidy ay tulong ng gobyerno sa mga tsuper sa gitna nang patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.

Nanawagan din si Delgra sa mga tsuper at operators ng mga pampublikong transportasyon na huwag munang humirit ng taas sa pamasahe dahil maraming mamamayan ang maaapektuhan.

Show comments