‘Di na pagsusuot ng face mask ng mga ‘bakunado’ pinag-aaralan

Inihalimbawa niya ang Estados Unidos na kahit hindi pa nararating ang ‘herd immunity’ ay pinayagan na ang mga taong nakakumpleto na ng bakuna na hindi magsuot ng face masks sa ilang mga pagkakataon at kundisyon.
Edd Gumban/File

MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na rin ng Department of Health ang panukala na payagan nang huwag magsuot ng face masks ang mga indibidwal na ‘fully-vaccinated’ na laban sa COVID-19 bilang insentibo sa kanilang pagpapabakuna ng kusang-loob.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na patuloy silang nag-aaral para makita kung uubra ang naturang rekomendasyon sa mga ‘bubbles’ o tukoy na lugar na mababa ang impeksyon.

Ngunit iginiit ng opisyal na hindi lamang ang pagiging ‘fully-vaccinated’ ang magiging batayan kung sakaling papayagan ito. Titingnan rin ang numero ng mga kaso at antas ng healthcare facilities sa isang lugar.

Kaugnay ito ng rekomendasyon ni OCTA Research member Fr. Nicanor Austriaco na kailangang handa na ang pamahalaan sa unti-unting pagluluwag sa mga restriksyon habang gumugulong ang ‘vaccination’ sa bansa.

Inihalimbawa niya ang Estados Unidos na kahit hindi pa nararating ang ‘herd immunity’ ay pinayagan na ang mga taong nakakumpleto na ng bakuna na hindi magsuot ng face masks sa ilang mga pagkakataon at kundisyon.

Ngunit iginiit ni Vergeire na kahit higit isang milyon na ang ‘fully vaccinated’ sa Pilipinas, napaka­liit pa rin ng numero na ito kumpara sa 110 milyong populasyon ng bansa. Iginiit rin niya na hindi dapat ikumpara ang kundisyon ng Pilipinas sa ibang bansa dahil sa magkakaiba ang batayan sa COVID-19 response ng bawat nasyon.

 

Show comments