Fixed broadband internet mas bumilis pa

MANILA, Philippines — Mas bumilis pa umano ang fixed broadband internet sa Pilipinas makaraang umangat ng walong puntos sa global ranking, base sa pinakahuling Ookla Speedtest Global Index report.

Ayon sa Ookla, nakapagtala ng 5.73Mbps increase mula sa dating 32.73Mbps noong Enero patungo sa 38.46Mbps nitong Pebrero 2021.

Katumbas ito ng monthly increase na 17.51% at 386.22% increase sa download speed ng bansa mula noong Hulyo 2016 na meron lamang noon na 7.91Mbps download speed.

Tumaas din ang overall performance ng mobile network sa bansa at umangat ng tatlong puntos sa global ranking.

Sa 140 mga bansa, ang Philippine mobile speed ay nasa pang-86 na puwesto noong Enero 2021 mula sa pang-111 noong Enero 2020.

Sa Asya naman, nasa pang-24 ang Pilipinas sa internet speed sa fixed broadband at pang-25 sa mobile broadband. Habang sa Asya-Pasipiko, nakapuwesto ang Pilipinas sa pang-18 puwesto sa fixed at pang-14 sa mobile broadband.

Show comments