MANILA, Philippines — Ini-report ng Department of Health (DOH) ang nasa 1,901 bagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) ngayong Biyernes, dahilan para pataasin nito ang kabuuang bilang ng nadali ng nakamamatay na sakit sa 557,058.
Nasa 32,440 diyan ang itinuturing na "aktibong kaso," o 'yung mga hindi pa gumagaling o namamatay sa virus.
Sumipa naman sa 157 ang kayayao pa lang sa COVID-19, dahilan para tumalon patungong 11,829 lahat-lahat ng mga pumanaw dito sa bansa. Ligtas naman na sa karamdaman ang nasa 512,789 na dati'y nadali ng pathogen.
Anong bago ngayong araw?
- Ngayong araw ang pinakamataas na naiulat na bilang ng pagkamatay (157) sa COVID-19 sa Pilipinas simula pa noong ika-14 ng Setyembre, kung saan 259 ang binawian ng buhay.
- Kinumpirma na ng pambansang tanggapan ng DOH nitong Huwebes na dalawang magkaibang mutations ng COVID-19 virus ang natagpuan sa Central Visayas: ang E484k at N501Y. Inaaral pa naman kung may may public health implication ang mga ito.
- Sa kabila niyan, hindi nakikita ni Health Secretary Francisco Duque III ang dalawang bagong variants bilang balakid sa pagtransition ng Metro Manila mula general community quarantine (GCQ) patungong modified GCQ (MGCQ): "It will not affect [the possible modified general community quarantine transition] because NCR is a different region, but we have to be really careful as we further relax our community quarantine status," aniya.
- Humingi naman ng tawad sa publiko si National Task Force Against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. ngayong araw dahil na rin sa mabagal na pagdating ng mga bakuna sa Pilipinas laban sa sa pathogen, bagay na kanyang ginawa habang nakakapagturok na ang mga karatig na bansa.
- Nakatakda namang magpasa ang Konggreso ng panukalang makapagpapabilis sa pagkuha ng COVID-19 vaccines pagsapit ng Lunes, bagay na kinumpirma nina House Speaker Lord Allan Velasco at Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.
- Sa bagong pag-aaral na inilabas ng journal na Scientific Reports, lumalabas na aabot sa "20.5 milyong taon ng buhay na ang nawala" dahil sa dami ng biglaang pagkamatay sa pandemya.
- Umaabot na sa halos 109.6 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa huling ulat ng World Health Organization (WHO). Sa bilang na 'yan, 2.42 milyon na ang patay.
— James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio