Pagturok ng bakuna sa puwet pwede – DOH

MANILA, Philippines — Sang-ayon ang Department of Health (DOH) na maaari namang magpaturok ng bakuna sa puwet ang sinuman lalo na kung hindi sapat ang mga masel sa braso.

“Most of the vaccines are given intramuscular. Ibig sabihin, ipapasok o isasaksak mo sa muscle, at siya na (muscle) ang bahalang magpakalat sa katawan natin,” paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire makaraan ang pahayag ni Presidential spokesman Secretary Harry Roque na sa puwet magpapaturok ng bakuna si Pangulong Rodrigo Duterte kaya magiging pribado ito.

Karaniwan na sa ‘deltoid area’ o sa itaas ng braso itinuturok ang bakuna ngunit kung masyado umanong payat ay maaaring sa ibang bahagi ng katawan na may sapat na laman ito iturok.  Maaaring sa hita o sa may malaman na bahagi ng puwet.

Nananawagan naman si Health Secretary Francisco Duque III na respetuhin na lamang ang desis­yon ng Pangulo na huwag isapubliko ang kaniyang pagpapabakuna.

Payag naman si Duque maging si vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na makasama sa mauunang magpapabakuna para ipakita na ligtas ang kukuning bakuna ng pamahalaan.

Show comments