Kaso ng COVID-19 sa Pilipinas 489,736 na; new cases lumobo sa 2,052

Tinatapik ng babaeng ito ang kanyang beep card habang sumasakay sa isang bus, ika-9 ng Oktubre, 2020
The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Ini-report ng Department of Health (DOH) ang nasa 2,052 sariwang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) ngayong Lunes, dahilan para sumipa pataas sa 489,736 ang bilang ng nahawaan na ng sakit.

Nasa 22,114 diyan ang "aktibong kaso" o yaong mga nagpapagaling pa sa ngayon.

Nasa 11 naman ang bagong naitalang patay dahilan para umabot sa 9,416 ang total domestic deaths. Pumalo naman na sa 458,206 ang gumagaling dito sa mgayon.

Lugar na may pinakamararaming fresh cases

  • Davao City, 140 (General Community Quarantine)
  • Quezon City, 93 (GCQ)
  • Cavite, 87 (Modified General Community Quarantine)
  • Laguna, 83 (MGCQ)
  • City of Manila, 67 (GCQ)

Anong bago ngayong araw? Ngayong araw naiulat ang pinakamalaking bilang ng bagong COVID-19 cases sa loob ng 24 araw. Huling lumampas ng 2,000 ang bilang ng kumpirmadong infections na ini-report sa iisang araw noong ika-18 Disyembre, 2020.

Samantala, ipinagpapalagay ngayon ng DOH na posibleng maabot ng Pilipinas ang "herd immunity" sa loob ng 2021 basta't sasapat ang suplay ng bakuna kontra COVID-19 na magmumula sa mga manufacturers.

Inaasahang sa Pebrero, o sa susunod na buwan, igugulong ang mga pinakaunang COVID-19 vaccines sa Pilipinas sa pamamagitan ng United Nations-backed COVAX facility at nasa 50,000 doses ng gamot ng Sinovac mula Tsina.

Umaabot na sa 88.4 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa huling ulat ng World Health Organization (WHO). Sa bilang na 'yan, 1.91 milyon na ang pumapanaw. — James Relativo

Show comments