P20 milyong jackpot prize sa Mega Lotto, sinolo ng taga-Baguio City

MANILA, Philippines — Instant milyonaryo ang isang taga-Baguio City ngayong bisperas ng Bagong Taon matapos na ma­panalunan ang mahigit P20 milyong jackpot prize sa MegaLotto 6/45 draw ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), kamakalawa ng gabi.

Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, matagumpay na nahulaan ng mapalad na mananaya ang winning combination na 06-25-15-29-12-33 na nagbigay sa kanya ng jackpot prize na P20,980,657.40.

May 43 mananaya naman ang nakapag-uwi ng tig-P32,000 na second prize matapos mahulaan ang limang tamang numero.

Muli rin namang inanyayahan ni Garma ang publiko na tangkilikin ang mga PCSO games, partikular na ang lotto.

Sa halagang P20 ay may tiyansa nang maging milyonaryo at makakatulong pa sa mga taong na­ngangailangan.

Ang MegaLotto 6/45 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.

Show comments