Nahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas lumobo, 445,540 na ngayon

Nag-aantay ang lalaking ito para sa libreng "packed meal" ng religious order na Society of the Divine Word (SVD) sa Maynila sa gitna ng COVID-19 pandemic, ika-8 ng Disyembre 2020
AFP/Ted Aljibe

MANILA, Philippines — Tumatalon pa rin pataas ang bilang ng nahahawaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa ika-10 ng Disyembre at pagpapatuloy ng community quarantine sa buong bansa laban sa pandemya.

Humataw na kasi sa 445,540 ang nadadali ng karamdaman sa Pilipinas, pagkaraang madagdagan pa ng 1,383 ang sariwang kaso, ayon sa Department of Health (DOH), Huwebes.

Sa kabila ng nadagdag sa official tally ng gobyerno, kulang pa 'yan kung tutuusin matapos hindi makapagpasa ng datos ang nasa siyam pang laboratoryo sa COVID-19 Data Repository System (CDRS), Miyerkules.

Narito ang listahan ng mga may pinakamaraming bagong kaso ng COVID-19 ngayong araw:

  • Lungsod ng Quezon (83)
  • Laguna (75)
  • Lungsod ng Maynila (68)
  • Bulacan (65)
  • Lungsod ng Davao (61)

Nagpapagaling pa naman sa virus ang 27,781 sa ngayon, bagay na kumakatawan sa "active cases" sa bansa.

"Samantala ay mayroon namang naitalang 133 [bagong] gumaling at 24 na pumanaw," dagdag pa ng DOH.

"Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 6.2% (27,781) ang aktibong kaso, 91.8% (409,058) na ang gumaling, at 1.95% (8,701) ang namatay."

Tinanggal naman na mula sa total case count ang pito na duplicates sa ngayon, matapos mapag-alamang anim sa kanila ay gumaling na.

Kaugnay niyan, ni-reclassify naman bilang deaths ang mga naunang naibalitang paggaling ng 11 katao mula sa COVID-19.

Kanina lang nang sabihin ni Interior Secretary Eduardo Año na inirerekomenda na nila sa mga local chief executives ng mga pamahalaang lungsod ang tuluyang pagbabawal ng paggamit ng mga karaoke/videoke ngayong Kapaskuhan, bagay na madali raw makapagpasa ng nakamamatay na virus.

"We are enjoining the [local chief executives] or [local government units] na ipagbawal din ang karaoke singing. Kasi it's just like caroling, it's a mass gathering," ani Año.

"And people will remove [their] mask[s] and they will sing at the top of their voice. I-expect natin na magkakaroon talaga ng pagtaas ng numero ngayong Christmas season or immediately after the Christmas season."

Aniya, pasa-pasahan daw kasi ng mikropono kapag nagkakaraoke at hindi ito dini-disinfect sa tuwing iba na ang gagamit.

Sa kabila niyan, sinabi ni Interior Secretary Jonathan Malaya na "wala naman" daw problema ang paggamit ng videoke sa sariling bahay kung dalawa hanggang tatlo lang ang gagamit.

May kinalaman: 'Videoke ban' gusto ng DILG secretary vs COVID-19, kaso DILG spokesperson iba tono

Ayon sa World Health Organization (WHO), halos 67.8 milyon na ang nahahawaan ng nasabing sakit sa buong daigdig. Sa bilang na 'yan, mahigit 1.6 milyon na ang patay. — James Relativo

Show comments