Sotto sa Kamara: P10 bilyon gastos sa Senate bldg. ‘wag pagdiskitahan

MANILA, Philippines — Binuweltahan ni Senate President Tito Sotto si Albay Rep. Joey Salceda at sinabihang “unfair”na punahin nito ang Senado sa paggasta ng P10-B para sa ipinatatayong New Senate Building sa Bonifacio Global City habang ang P2-B na gagastusin para sa pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) ay tinututulan nito.

Ayon kay Sotto, hindi patas na ikumpara ang ginastos sa Senate Building dahil wala itong kinalaman sa isyu ng pagtayo ng ibang departamento.

Depensa ni Sotto, hindi naman ang mga kasalukuyang nakaupong senador ang makikinabang sa modernong gusaling ipinatatayo kundi ang susunod na Senado na makatitipid ng malaki kumpara sa uupa pa sa GSIS ng P171-M kada taon.

Giit ni Salceda, kung nahanapan ng P10-B ang Se­nate Building ay dapat bukas din sa paggasta sa DDR na siyang tutugon sa problema ng bansa sa panahon ng kalamidad.

Sa kabila ng pagtutol ng Senado, nanindigan ang Kamara na dapat isabatas ang DDR, bukod sa priority bill ito ni Pangulong Rodrigo Duterte ay may panga­ngailangan para magkaroon na ng isang ahensya na tututok sa mga kalamidad.

Bukod kina Sotto, kontra rin sina Sens. Franklin Drilon, Dick Gordon at Panfilo Lacson sa DDR.

Ang panukalang pagbuo ng DDR ay isa sa priority measures ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address. Agad itong naipasa sa Kamara sa huli at ikatlong pagbasa noong Setyembre 21 sa ilalim ng pamumuno ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano.

Sa loob ng halos 1 buwan ay 5 malalakas na bagyo ang pumasok sa bansa kabilang ang Ofel, Quinta, Rolly, Tonyo at Ulysses.

Show comments