‘Buy lokal’ muna dapat sa mga tanggapan ng pamahalaan - DTI

MANILA, Philippines — Nanawagan ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga tanggapan ng pamahalaan na tangkilikin ang mga lokal na produkto sa pagbili ng kailangang materyales at supply.

Sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez na malaki ang maitutulong ng hakbang na ito para tulungang makabangon ang ekonomiya mula sa recession na epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

“If you’re using government resources, taxpayers’ money, na magandang magamit ito at mabili ang mga local manufactured products,” wika ni Lopez.

Bago ang panawagan ni Lopez, naglabas ng direktiba ang Malacanang sa mga ahensiya ng pamahalaan na gawing prayoridad ang pagbili ng mga produktong lokal para sa kanilang materyales at supply.

Sa ilalim ng Bayanihan 2 Act na inaprubahan ng Kongreso kamakailan, inaatasan ang pamahalaan na bigyang prayoridad at bumili ng mga produkto, materyales at supply na gawa sa Pilipinas.

Sa gitna ng pandemya, maraming sektor na ang nagsusulong na bilhin ng Department of Health (DOH) ang mga mask, personal protective equipment at test kit na gawa sa Pilipinas, kaysa mag-angkat pa sa ibang bansa na higit na mas mahal at mababa ang kalidad.

Suportado naman ng pribadong sektor, kabilang ang Philippine Retailers Association (PRA), ang programang “Buy Local, Go Lokal” ng DTI dahil malaki ang maitutulong nito sa pagbuhay ng ekonomiya.

Samantala, nanawagan naman ang ilang consumer groups na magbantay sa mga magsasamantala sa pamamagitan ng mislabeling, na gawang Pilipino pero imported naman ang ibinebentang mga produkto.

Show comments