COVID-19 halos 59,000 na sa 'Pinas habang inaabangan ang quarantine classifications

Makikitang nagsasagawa ng swab testing ang health worker na ito sa Batasan Hills, Quezon CIty noong July 13, 2020
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines (Updated 6 p.m.) — Habang inaabangan kung luluwagan o hihigpitan ang quarantine restrictions sa iba't ibang bahagi ng bansa simula bukas, muling umakyat ang bilang ng coronavirus disease (COVID-19) cases sa bansa, ayon sa pinakabagong ulat ng Department of Health (DOH), Miyerkules.

Sa datos na inilabas ng gobyerno, lumalabas na 1,392 ang naidagdag sa talaan ng DOH dahilan para umabot na sa 58,850 ang kumpirmadong kaso ngayong araw.

Sa bilang na 'yan 36,260 ang itinuturing na aktibong kaso, o yaong mga hindi pa gumagaling o namamatay mula sa virus.

Karamihan sa mga panibagong kaso ay nanggaling mula sa mga sumusunod na lugar:

  • National Capital Region (708)
  • Cebu (198)
  • Iloilo (86)
  • Laguna (64)
  • Cavite (46)

Samantala, patay naman sa virus ang 11 iba pa na nag-aakyat sa kabuuang local COVID-19 death toll sa 1,614.

"Sa 11 deaths na ito, lima naman po ay nangyari nitong July at anim [ay] nangyari noong June," sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang virtual briefing. 

"Pito naman out of 11 ay ahed 60 years and above. Kaya naman po ay mariin po naming pinaaalalahanan ang ating elderly population... na maging mas maingat ngayong pangahon po ng pandemya."

Nanggaling ang mga panibagong patay sa:

  • Metro Manila (8)
  • Central Luzon (1)
  • Calabarzon (1)
  • Zamboanga Peninsula (1)

Ligtas naman na sa contagion ang 20,976, pagpapatuloy ng DOH. Mas mataas ang bilang na 'yan nang 517 kumpara sa naibalita kahapon.

Kanina lang nang sabihin ni Health Secretary Francisco Duque III na tagumpay ang Pilipinas sa pag-"flatten" ng COVID-19 curve kahit na ilang araw nang sunod-sunod ang libong dagdag sa daily tally ng DOH.

"We have successfully flattened the curve since April," ani Duque sa pre-State of the Nation Address (SONA) forum ng pamahalaan, Miyerkules.

"The metrics for arriving at that conclusion of flattening the curve is actually one, the case doubling time of the COVID-19 infection has actually become longer." 

Umani ng batikos ang pahayag na 'yan dahil sa dami pa rin ng panibagong naiuulat na kaso, bagay na napuna ni Sen. Juan Miguel Zubiri, isang COVID-19 survivor.

“OMG! Dear Secretary Duque, with all due respect, pls tell us what curve is flattening? Is it the fact that the cases in...

Posted by Senator Migz Zubiri on Wednesday, July 15, 2020

Gayunpaman, iklinaro ni Duque ang naunang pahayag at sinabing dumarami ang mga lumalabas na kaso dahil sa pagtindi ng testing at pagluluwag ng government restrictions sa pagkilos.

"Our case doubling time in April passed the 3-day doubling time mark; NOW, July 15 - it is at 8 days CDT (past the 7-day doubling time mark)," sabi ng kalihim.

Bukas na bukas din magsisimula ang effectivity ng mga bagong enhanced community quarantine (ECQ), modified ECQ, general community quarantine (GCQ) at modified GCQ.

Sa ngayon, 12.9 milyon na ang dinadadapuan ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa huling ulat ng World Health Organization (WHO). Sa bilang na 'yan, 570,288 na ang namamatay.

Show comments