‘Vulnerable sector’ uunahin kapag may bakuna na

MANILA, Philippines — Uunahin ng pamahalaan ang mga kabilang sa tinatawag na ‘vulnerable sector’ na mabigyan ng bakuna sa oras na madiskubre at ma­ging handa na ito. 

Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, kabilang sa mga ‘vulnerable groups’ ay ang mga senior citizens at mga may dati nang sakit. 

Ngunit nilinaw ng DOH na hindi ito nangangahulugan na hindi na pababakunahan ang mga sektor na hindi kabilang sa ‘vulnerable’. Sa abot ng makakaya ng pondo ng gobyerno, titiyakin umano nila na aabot ang bakuna sa lahat ng sektor ng lipunan.

“Pero kung saka-sakali, at alam naman natin expectedly na baka hindi ganun kadami ang makuha natin sa pauna na pagbibigay ng bakunang ito, kailangan natin mag-prioritize,” paglilinaw ni Vergeire.

Habang wala pang bakuna, una nang umapela ang Malacañang sa publiko na alagaan ang kalusugan at palakasin ang katawan para hindi agad madapuan ng virus. Umaasa ang gobyerno ng Pilipinas na magkakaroon na ng bakuna sa Enero 2021.

Show comments