MANILA, Philippines (Updated 3:50 p.m.) — Pabor ang karamihan ng mga alkalde ng National Capital Region na paluwagin ang lockdown measures kontra coronavirus disease (COVID-19) patungong general community quarantine (GCQ) mula modified enhanced community quarantine (MECQ).
Ang balita ay kinumpirma ni Parañaque Mayor at Metro Manila Council chairman Edwin Olivarez, sa ulat ng The STAR.
14 of 17 NCR mayors agree to region's shift to GCQ by June 1, claims Parañaque mayor and MMC chair Olivarez; he, Valenzuela's Gatchalian and Navotas' Tiangco reportedly favor shift to GCQ. | via Ghio Ong
— The Philippine Star (@PhilippineStar) May 25, 2020
Ilan sa mga naiulat na pumabor sa shift patungong GCQ ay sina Olivares, Valenzuela Mayor Rex Gatchalian at Navotas Mayor Toby Tiango.
Kung matutuloy, papayagan na ang panunumbalik ng public transportation sa Metro Manila, habang nagpapatupad ng striktong social distancing.
Papayagan na ring makabalik sa trabaho ang hanggang 75% ng mga empleyado ng gobyerno at ilang industriya.
Pwede na rin ang "inter-island" na pagbiyahe basta't patungo rin sa iba pang GCQ area at makapaglalaro na ng limitadong contact sports gaya ng golf at tennis.
Sabado nang sabihin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na maaaring magdesisyon ang gobyerno na ibaba na lang ang quarantine patungong GCQ.
Kanina naman nang sabihin ni Metro Manila Development Authority (MMDA) na pinag-aaralan na ng gobyerno ang pagdo-downgrade ng Metro Manila MECQ patungong modified GCQ.
Pabor din ngayon si Sen. Panfilo Lacson na luwagan ang mga quarantine restrictions sa lugar upang makapanumbalik ang economic activities sa NCR.