ITR filing pinalawig ng BIR hanggang May 15

MANILA, Philippines — Bilang pagtalima sa kahilingan ng Senado, pinalawig na ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Reve­nue (BIR) ang deadline sa paghahain ng Income Tax Returns (ITR) hanggang sa Mayo 15.

Unang nanindigan ang DOF at BIR na hindi palalawigin at mananatili lamang na Abril 15 ang deadline ng paghahain ng ITR sa kabila ng umiiral na 1-buwang enhanced community quarantine sa bansa.

Gayunman, upang hindi na ito maging dagdag alalahanin pa ng publiko, umapela si Sen. Bong Go sa DOF at BIR na magbigay ng konsiderasyon at palawigin pa ang deadline ng ITR filing, base na rin sa diskusyon nila ng kanyang mga kapwa senador.

Matapos naman aniyang matalakay ang isyu kina Pangulong Rodrigo Duterte at Finance Secretary Carlos Dominguez III, napahinuhod na rin ang DOF at BIR na pagbigyan ang apela ni Sen.Go na i-extend ng isang buwan ang naturang deadline.

Nagpasalamat naman si Go sa DOF at BIR at sinabing malaking bagay ito upang mabawasan ang alalahanin ng mga tao sa panahong ito ng krisis.

Umaasa naman si Sen. Go na matapos na malampasan ng lahat ang kasalukuyang sitwasyon, ay matapat silang magbabayad ng kanilang mga buwis.

Show comments