Mag-asawang amo ni Jeanelyn kinasuhan na ng murder

MANILA, Philippines – Sinampahan na ng kasong murder ang mga employers ng pinaslang na OFW na si Jeanelyn Villavende sa Kuwait.

Sa pagdinig ng Se­nate commitee on labor tungkol sa migration policies ng gobyerno, sinabi ni Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III na ipinaalam na sa kanya ang pormal na pagsasampa ng kaso sa mga amo at nakakulong ang mga ito sa pasilidad para sa mga may mabibigat na krimen.

Nauna rito, napaulat na tinanggihan ng pa­milya ni Villavende ang mahigit na P50 milyong blood money na iniaalok ng mga suspek.

Una na ring sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na hindi tatanggap ng pera ang gobyerno kapalit ng hustisya para kay Villavende.

Samantala, sa pagsisimula nang pagdinig, sinabi ni Sen. Joel Villanueva, chairman ng komite na dapat nang magpatupad ng employment ban ang gobyerno sa mga domestic at service workers sa mga bansang may “Kafala system.”

Binanggit din ni Villanueva na ang ginawang autopsy report ng Kuwait sa bangkay ni Villavende ay “cover-up” report at hindi isang autopsy. 

Nagpabaya rin aniya ang recruitment agency na nagpaalis kay Jeanelyn na 5-Star Recruitment and Manpower Agency dahil hindi man lang sila nagbigay ng “significant report” sa POEA gayong may mga “red flag” na sa sitwasyon ng OFW.

 

 

Show comments