^

Bansa

Mga galing Wuhan, China hindi iba-'ban' sa Pilipinas sa gitna ng novel coronavirus outbreak

James Relativo - Philstar.com
Mga galing Wuhan, China hindi iba-'ban' sa Pilipinas sa gitna ng novel coronavirus outbreak
Umabot na sa 17 ang namamatay sa kinatatakutang sakit (2019-nCoV), ayon sa Chinese state-run newspaper na People's Daily, Huwebes.
AFP/Mark Ralston

MANILA, Philippines — Hindi pa pagbabawalan ng gobyerno ang mga taong magmumula sa Wuhan, China na pinagmulan ng pinangangambahang novel coronavirus, pagkukumpirma ng Palasyo sa isang press briefing, Huwebes.

Ayon kay presidential spokerson Salvador Panelo, tiniyak na sa kanya ni Department of Health Secretary Francisco Duque III na "on top of the situation" na ang pamahalaan pagdating dito.

"Ang sabi niya [Health Secretary Duque], hindi pa. Hindi pa nakikita 'yung kailangang gawin 'yon," sabi ng tagapagsalita ng presidente.

"It has not reached an alarming level that we have to do some drastic measures like prohibiting people from entering, especially those suspected from having that kind of virus."

Umabot na sa 17 ang namamatay sa kinatatakutang sakit (2019-nCoV), ayon sa Chinese state-run newspaper na People's Daily, Huwebes.

 

 

Mahigit 500 katao na ang nahawaan nito habang suspendido ang mga flights at biyahe ng tren mula Wuhan, na lugar kung saan nagsimula ang outbreak.

Mabilis na kumalat ang sakit sa iba't ibang bansa sa Asya, habang may kaso na ring kumpirmado sa Estados Unidos.

Una nang pinangambahan na nakapasok ang sakit sa Cebu sa pamamagitan ng isang 5-anyos na batang nagpositibo sa coronavirus, ngunit paliwanag ng DOH, hindi ito ka-strain ng 2019-nCoV. Maayos na rin daw ang kalusugan ng paslit sa ngayon.

May iba't ibang strain ang coronavirus, magmula sa simpleng "common cold," hanggang sa mas seryosong Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS-CoV) at Middle East Respiratory Syndrome coronavirus (MERS-CoV).

Pinayuhan na rin ng Philippine Airlines at Cebu Pacific ang mga biyahero na huwag na lang lumipad kung pakiramdam nila'y may sakit na sila upang maiwasan ang pagkalat ng bagong respiratory virus.

Kabilang sa mga pag-iingat na ginagawa raw ngayon ng PAL ay ang "non-obtrusive screening" sa mga espisipikong paliparan, ayon sa isang pahayag.

"Kapag may napapansin silang umuubo o ano. Doon pa lang sa ticketing... meron na silang protocols doon eh. Hinihiwalay na nila, ine-examine na nila. Meron na silang ginagawa," dagdag ni Panelo.

Mas mahusay na screening

Kaugnay ng sakit, nanawagan naman ang grupong Bayan Muna party-list na magpatupad ng episyenteng health screening, surveillance at monitoring ng mga indibidwal o grupong magmumula sa mga lugar na infected ng 2019-nCoV.

"Ang kailangan nating masiguro ay iwasang hindi maging praning o mag-panic ang mga tao dahil sa sakit," sabi ni Rep. Carlos Zarate (Bayan Muna party-list) sa Inggles.

"Pinagdaanan na natin ang ganitong sitwasyon noong pumatay ng halos 800 katao ang SARS sa Tsina at Hong Jong noong 2002-2003. Malapit tayo roon pero na-contain natin."

Mainam din daw na magkaroon ng sapat na paghahanda, suplay, gamot, pasilidad, manggagawang pangkalusugan at pondo gaya noong panahon ng SARS upang mapigilan ang pagpasok nito sa Pilipinas.

"[D]apat may mechanism in place at ready na kung sakaling makapasok at kumalat ang 2019 Novel coronavirus," sabi pa ng militanteng mambabatas.

Panlaban sa sakit

Naglabas naman ng mga mungkahi ang World Health Organization upang maiwasang mahawaan ng sakit.

Ilan sa mga maaari raw gawin ang:

  • palagiang paghuhugas ng kamay
  • pagtatakip ng bibig at ilang tuwing uubo't mababahing
  • pagluto nang husto sa mga karne't itlog
  • pag-was sa sinumang may sintomas ng respiratory illness gaya ng pag-ubo at pagbahing

Ilan sa mga karaniwang sintomas ng sakit ang:

  • respiratory symptoms
  • lagnat 
  • ubo 
  • maiiksi at kahirapan sa paghinga

"Sa ibang mas seryosong kaso, maaaring mauwi ang infection sa pneumonia, severe acute respiratory syndrome, kidney failure at kahit kamatayan," sabi ng WHO.

Sa kabila nito, hindi pa naman nila inirerekomenda ang anumang pagbabawal sa pagbiyahe at pangangalakal.

vuukle comment

2019-NCOV

CHINA

CORONAVIRUS

DEPARTMENT OF HEALTH

PALACE

SALVADOR PANELO

WORLD HEALTH ORGANIZATION

WUHAN

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with