Ang nare-charge na magma o natunaw na mga bato sa ilalim ng Taal Volcano ang nagbubunsod ng mga lindol na senyales na posible pa ring magkaroon ito ng mapanganib na pagsabog.
Bullit Marquez/AFP
Bulkan nagre-recharge para sa mapanganib na pagsabog
Angie dela Cruz, Rudy Andal (Pilipino Star Ngayon) - January 21, 2020 - 12:00am

MANILA, Philippines — Tila nagre-charge naman ang bulkang Taal para sa susunod nitong pagputok.

Ang nare-charge na magma o natunaw na mga bato sa ilalim ng Taal Volcano ang nagbubunsod ng mga lindol na senyales na posible pa ring magkaroon ito ng mapanganib na pagsabog.

Ito ang nabatid kahapon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology Director Renato Solidum na nagsabing, kapag nakaakyat sa crater ng Taal ang magma, maaaring magkaroon ng malakas na pagsabog.

Nagkaroon ng 244 lindol sa Taal  noong Linggo  kaya nababahala ang libo-libong evacuees.

Noon ding Linggo, ang Taal ay nagbuga ng 4,300 tonelada ng asupre na halos triple ng ibinugang 1,400 tonelada sa naunang araw.

“Mayroon tayong nakikitang re-charge o re-supply ng magma na galing sa ilalim papunta doon sa volcano island at nagdudulot din ng mga paglindol,” sabi ni Solidum sa isang radio interview. “Posibleng kung umabot ito sa ibabaw ay magdulot ng pagsabog na puwedeng malakas.”

 “Definitely may papaakyat na magma. May nagsu-supply pa doon,” dagdag niya. 

Inamin din ni Solidum na wala pa silang nakikitang indikasyon na maaari ng ibaba ang alert status ng Bulkang Taal sa susunod na mga araw.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Solidum na mananatili pa rin sa alert level 4 dahil sa patuloy na pressure at pag-angat ng magma kaya namamaga pa rin ang bulkan.

Tuloy pa rin ang mahihinang pagsabog ng Bulkang Taal sa Batangas at abnormal na aktibidad sa ilalim nito.

Bunga nito, patuloy na ipinaiiral ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang Alert Level 4 status sa paligid ng bulkan na na­ngangahulugan na may banta pa rin ng mas malakas na pagsabog nito.

Sa nakalipas na 24 oras, ang bulkan ay nagluluwa ng  dirty white ash plumes na may 500 hanggang 1,000 metro ang taas  mula sa bunganga nito.

Patuloy din ang pagkakaroon ng mga volcanic earthquake na indikasyon na may nangyayaring aktibidad sa ilalim ng bulkan na maaaring pagmulan ng mas matinding pagsabog.

Ang bulkan ay kinakitaan ng may 673 volcanic earthquakes kabilang na ang 12 low-frequency tremors.

Ayon sa Phivolcs, kung may maganap na malakas na pagsabog sa bulkan, ang abo ay inaasahang uma­bot sa may bahagi ng Batangas, Laguna at Quezon.

Sa ngayon, nananatiling nasa evacuation centers sa Batangas at Cavite ang karamihan sa mga evacuees dulot ng pag aalboroto ng Bulkang Taal.

BULKANG TAAL
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with