Halos 18,200 nasa evacuation centers dahil sa aktibidad ng Taal

As of 2:00 a.m., umabot na sa 286 na volcanic earthquakes ang naitala dahil sa buklan. 125 sa mga ito ang nadama — mula Intensity I hanggang Intensity V.
AFP/Ted Aljibe

MANILA, Philippines — Patuloy ang pagdami ng mga taong nanunuluyan sa mga evacuation centers sa rehiyon ng CALABARZON kasunod ng mga paglindol at ashfall dulot ng Bulkang Taal.

Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, Martes, umabot na sa 4,175 pamilya, o 18,187 ang lumikas patungo sa mga evacuation centers.

Ang mga nabanggit ay nasa loob ngayon ng 118 ECs, na pawang nagmula sa mga probinsya ng Batangas at Cavite.

Kasalukuyang hino-host ang mga nasabing evacuees sa Lian, Alitagtag at Sto. Tomas sa Batangas.

Tinatayang nasa 30,423 katao, o 6,891 pamilya, na ang apektado sa ngayon, sabi ng NDRRMC.

As of 2:00 a.m., umabot na sa 286 na volcanic earthquakes ang naitala dahil sa buklan. 125 sa mga ito ang nadama — mula Intensity I hanggang Intensity V.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang National Disaster Risk Reduction and Management Operastions Center sa OCDROs ng Region III, CALABARZON at National Capital Region tungkol sa status ng Taal.

Inabisuhan naman ng Department of Interior and Local Government ang lahat ng lokal na gobyerno na agarang magpatupad ng mandatory evacuation sa lahat ng baranggay na maaaring tamaan ng "ballistic projectiles," "base surges" at "volcanic tsunami."

Una nang nagsuspinde ng klase sa lahat ng antas sa ilang lungsod sa Kamaynilaan, CALABARZON at Gitnang Luzon bunsod ng ibinugang abo ng bulkan.

Kagabi, sumama na rin si Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso sa mga naglinis ng mga nagkalat na abo sa Plaza Miranda, Unibersidad ng Santo Tomas, Espana, Philippine General Hospital at Taft.

Show comments