Hostel na ‘drug den’ pinasisiyasat sa PNP, PDEA

MANILA, Philippines — Bineberipika na nga­yon ng mga awtoridad ang report na isang hostel sa Makati ang ginagawa umanong drug den at pinamumugaran ng mga nagbebenta ng tinatawag nilang Vitamin E as in “ecstacy.”

Ang aksiyon ng mga awtoridad ay bunsod sa report  ng isang informant na tumangging magbigay ng pagkakaki­lanlan lalo pa’t kaliwa’t kanan na ang selebras­yon ngayong Kapaskuhan.

Lumilitaw na madalas ang pagkakaroon ng heavy activity sa tuktok ng gusali na kung saan nangyayari umano ang bentahan ng mga party drugs at high grade ecstacy in liquid form na kinalolokohan ng mga parokyano.

Natuklasan pa na hawak umano ito ng isang abugado na dating naka-assign sa Ombudsman na may opisina sa loob ng naturang hostel.

Pinaniniwalaang nasa hanay diumano ito ng mga “untouchables”  kayat ilang taon na ring namamayani ang iligal na operasyon nito.

Hinihinalang nagagamit din umano ang nasabing hostel sa POGO kayat kapansin-pansin din ang pagdami ng mga Chinese nationals sa loob ng gusali na maaari din silipin ng Bureau of Immigration.

Dahil dito kaya ki­nalampag din ang pamunuan ng PDEA at PNP na pagtuunan ng pansin ang naturang report bago pa man anya lumala o maging kilos “Zombies” ang mga parokyanong nagpa-party sa nagaganap na iligal na aktibidad sa lugar.

Ito’y para na rin ma­patunayan na hindi lamang mga mahihirap na mamamayan ang tinatamaan ng kampanya ng gobyerno sa war on drugs kundi masampolan din ang mga maya­yamang sumasawsaw sa iligal na droga.

Show comments