30 toneladang bigas tulong ng Palayan City sa Mindanao

Si Palayan City Mayor Rianne Cuevas (nakaharap sa camera) habang tini-turn over sa DSWD ang 30 tons na bigas na donasyon ng mga kababayan niya at negosyante para sa mga biktima ng lindol sa Mindanao.

MANILA, Philippines — Kabuuang 30 tonelada ng bigas ang ipinadalang tulong ng mga residente, negosyante at magsasaka ng Palayan City, Nueva Ecija sa mga biktima ng lindol sa Mindanao.

Ayon kay Palayan City Mayor Rianne Cuevas, nakatulong na sila sa mga magsasaka sa kanilang lugar dahil binili nila ang kanilang aning palay ay nakatulong pa sila sa mga earthquake victims sa Mindanao.

“Hindi nabibili ang mga palay ng mga magsasaka sa Palayan City dahil bagsak ang presyo ngayon, kaya kami na ang bumili at pinagiling namin para maging bigas na siyang pinadala naming tulong sa mga biktima ng lindol sa Mindanao,” ani Mayor Cuevas.   

Sinabi ni Cuevas, nag-ambag-ambag din ang mga negosyante, business hub at ilang residente sa Palayan City upang magbigay ng tulong sa mga kapatid natin sa Mindanao.

Malugod namang nagpapasalamat ang mga magsasaka sa Palayan City na binili sa halagang P17 kada kilo ang kanilang palay na mas mataas kumpara sa alok ng P10 ng mga rice trader sa Central Luzon.

Isinakay sa LGU truck ang mahigit sa 600 kaban ng bigas na kabuuang 30 tons at ibinigay sa DSWD sa Maynila na siya namang magdadala at magdi-distribute sa mga biktima ng lindol sa Mindanao.

Nagpapasalamat si Mayor Cuevas sa mga negos­yante sa business hub, magsasaka at mga residente ng Palayan City na bukas-palad na tumulong sa mga kababayang nasalanta ng lindol sa Mindanao.

 

Show comments