House probe sa ASF hingi

MANILA, Philippines — Matapos ideklara ng Department of Agriculture (DA) ang outbreak ng African swine fever (ASF) sa mga lugar ng Rizal at Bulacan, nais ng isang kongresista na imbestigahan ito ng Kamara.

Sa House Resolution 336 ni Magsasaka Rep. Argel Cabatbat, hinikayat niya ang committee on Agriculture and Food na imbestigahan ang pagkalat ng ASF sa bansa. Ito ay para maprotektahan din ang local consumers at masuri kung ano ang masamang epekto nito sa hog industry.

Giit ni Cabatbat, responsibilidad ng gobyerno na gawin ang lahat para maprotektahan ang pinagkakakitaan ng mga magbababoy at ang buong industriya nito.

Noong Lunes ay idineklara ng DA ang ASF outbreak sa Guiguinto, Bulacan at Rodriguez at Antipolo, Rizal.

Paliwanag pa niya, bagamat tiniyak ng National Meat Inspection Service (NMIS) na hindi seryosong banta sa kalusugan ng tao ang ASF ay maaari naman itong maisalin sa meat products kahit processed na ito o nasa lata pa.

Show comments