Si Ronald Cardema ng Duterte Youth sa isang pulong-balitaan kahapon.
Kuha ni Boy Santos
Cardema isinabit ang opisyal ng Comelec sa extort-try
Mer Layson (Pilipino Star Ngayon) - August 18, 2019 - 12:00am

MANILA, Philippines — Inakusahan ni da­ting Youth Commissioner Ronald Cardema si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon ng umano’y harassment at ‘extort try’ o panghihingi ng pabor sa kanya kapalit ng pagrerehistro sa Duterte Youth party-list para makalahok sa May 13 party-list elections.

Sa isang pulong balitaan sa Eton Centris Elements Tent sa Quezon City kahapon ng hapon, sinabi ni Cardema na kumuha ng emisaryo si Guanzon, sa katauhan ng isang congresswoman upang manghingi ng pera mula sa kanya para aprubahan ang akreditasyon ng kanilang party-list group.

 Ipinakita pa ni Cardema ang usapan nila sa Viber ng umano’y emisaryo ni Guanzon, na humihiling pa aniya ng tulong para maitalaga ang ilang opisyal ng pamahalaan kabilang ang isang abogado na nais umanong maging hukom ng isang regional trial court sa Iloilo.

 “Noong hapon ng Jan. 16, tumawag yung emisaryo ni Commissioner Guanzon sa atin at sinasabi nila ‘Mr. Cardema maa-approve lang ang Duterte Youth kung meron majority kasama si Commissioner Guanzon. Meron silang hininging pabor at pera sa atin,” akusasyon ni Cardema.

Nilinaw naman ni Cardema na hindi niya pinagbigyan ang hiling sa kanila ni Guanzon kaya’t ginigipit aniya sila nito.

Sa pulong-balitaan pa rin, mariing pinabulaa­nan kahapon ni Cardema na siya ang nasa likod ng mga death threat na natatanggap umano ni Guanzon.

Sinabi ni Cardema na napaka-imposibleng pagbantaan niya ang commissioner dahil mistula aniya silang ‘hawak sa leeg’ ng Comelec.

Hinamon pa ng poll official si Cardema na patunayang hindi siya ang nasa likod ng death threats laban sa kanya at sa kanyang pamilya.

Ang isyu ay nag-ugat matapos na maghain ang Duterte Youth ng petisyon sa Comelec at hiniling na si Cardema ang ma­ging nominado nila upang maging kinatawan sa Kongreso.

Gayunman, ibinasura ng Comelec First Division ang petisyon ng grupo dahil sa pagiging overaged ni Cardema upang maging kinatawan ng isang youth group, ngunit maaari pa naman itong iapela sa en banc.

Kaagad rin namang nagsumite ng listahan ng mga bagong nominado sa Comelec ang Duterte Youth ngunit nananatiling si Cardema ang unang nominee nito, habang pangalawa naman ang kanyang asawang si Ducille, na dating unang nominee ng grupo, ngunit nag-withdraw at pinalitan ni Cardema.

Sinabi na ni Guanzon na maaaring makapag­labas sila ng desisyon hinggil sa isyu sa loob ng isang buwan.

Aminado rin si Guanzon na maaaring masa­yang lamang ang puwesto sa Kongreso na inilaan sa Duterte Youth dahil malabo aniyang mabaligtad ang pagkaka-diskuwalipika kay Cardema, dahil malinaw namang overaged talaga ito sa edad na 34-anyos.

Mistula rin aniyang isinuko na ni Cardema ang kanyang motion for reconsideration nang maghain ang grupo ng panibagong set of nominees sa Comelec na tila malabo rin aniyang mapagbigyan dahil ang deadline ng pagsusumite ng mga nominado ay noon pang Mayo 13, 2019.

CARDEMA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with