MANILA, Philippines — Nasa kritikal na ang dengue sa bansa matapos lumagpas sa epidemic threshold ang dengue cases sa 11 rehiyon.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, ang epidemic threshold ay ang kritikal na bilang o dami ng biktima para maituring nang epidemya ang isang sakit.
Ito rin ang ginagamit na basehan para makumpirma ang isang epidemya at para makapaglagay ng mas malalim na hakbang para tugunan ang nasabing sakit.
Bukod sa CALABARZON, MIMAROPA, Region 5, 6, 7, 8, 9, 10, 12 at BARMM ay sumabay na rin ang Region 11 sa dengue epidemic.
Binigyan diin ni Duque na ang dengue situation sa ASEAN countries tulad ng Lao People’s Democratic Republic, Vietnam, Thailand, Indonesia at Singapore ay mas malala pa dahil triple ang itinataas ng bilang nito.
Dagdag pa ni Duque na posibleng “rapid urbanization” at climate change ang dahilan ng nasabing epidemya.
Dahil dito kaya nakikipagtulungan na ang DOH sa Department of the Interior and Local Government at mga barangay para magsagawa ng mas agresibong hakbang para mapigilan ang paglaganap ng dengue-carrying mosquitos.
Giit ni Duque, mas mainam pa rin na malinis ang lugar at paligid.