MANILA, Philippines — Pitong dayuhang terorista ang sumapi na sa Abu Sayyaf Group (ASG), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Dawlah Islamiyah (DI) terrorists.
Ibinulgar ni AFP-Western Mindanao Command (Westmincom) Chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana na tinuturuan umano ng pitong dayuhang terorista kung paano maging bomber ang mga miyembro ng naturang local terrorist groups.
Sinabi ni Sobejana na mga miyembro ng ISIS ang mga dayuhan at eksperto sa paggawa ng bomba.
Tumanggi naman ang opisyal na tukuyin ang nationality ng mga ito pero kinumpirmang nagkakanlong ang mga ito sa mga kilalang balwarte ng lokal na teroristang grupo sa Western Mindanao at Maguindanao.
Una nang nabunyag ang posibleng kinalaman ng ISIS terrorists sa madugong Marawi City siege noong Nobyembre 2017.
“They are doing their usual thing, training members of the local terrorist groups as bombers. They were grooming suicide bombers as manifested by what happened lately,” ani Sobejana na tumutukoy sa suicide bombing noong Hunyo 28 sa isang military camp sa Indanan, Sulu.
Dalawang suicide bomber ang natukoy dito kabilang ang isang Pinoy na si Norman Lasuca.
Samantala 42 pang mga foreign terrorists ang patuloy namang minomonitor kaugnay sa posibleng asosasyon ng mga ito sa ISIS.